3 HERITAGE HOMES SA GASAN NATUPOK NG APOY
Tatlong lumang kabahayan o maituturing na ancestral and heritage houses ang tinupok ng apoy sa isang aksidenteng sunog na naganap sa San Jose Street, Barangay Dos Poblacion, sa harap ng Gasan Municipal Building noong madaling araw ng Setyembre 28, 2023.
Nakakalungkot ang pagkasunog ng mga lumang bahay na ito na naging bahagi na ng makulay at mahabang kasaysayan ng Gasan, ang pangalawang pinakalumang bayan sa Marinduque, kasunod sa Boac, ang kabisera.
Photo credit: Marinduque News Now
Ang kalahating bloke ng kabahayan sa lugar na ito sa San Jose, Bonifacio, Plata at Gomez Streets ay kinatitirikan ng mga bahay ng isang lumang pamilya ng Gasan - ang pamilya De Leon. Ang natitirang kalahati ng bloke ay pag-aari naman ng mayamang pamilya ng Cayetano-Lardizabal, may-ari ng una at nag-iisang tindahan ng gamot noon - ang Pharmacia Cayetano.
Ang pamilya De Leon ay kabilang sa mga sinaunang pamilya kasama ang mga Luna at Sevilla, na sumama at sumuporta sa pakikipaglaban laban sa mga Amerikano noong Phil-American War of 1900.
Noong Abril 28, 1900, si Don Jose de Leon, kasama sina Don Baltazar Luces Luna, Don Mariano Rodriguez, Don Esteban Sevilla (ang Presidente del Municipalidad noon) at marami pang iba ay nagpunta sa Boac para ipahayag ang kanilang suporta – pera, pagkain at tauhan - sa mga Rebolusyonaryong Pilipino, na pinamumunuan ni Martin Lardizabal (ang politico-military leader noon) laban sa mga Amerikano.
Ang bahay sa kanto ng San Jose at Bonifacio Streets ang bahay kung saan tinanggap at tumuloy ang unang pari ng Iglesia Flipinna Independiente (IFI). Ito ay bahay ni Don Lope De leon at ipinamana kay Tia Conching de Leon Villaruel. Ang katabing bahay naman ay napunta kay Manong Crisostomo (Tomo) de Leon, anak ni Ernesto na anak ni Lope.
Ang lumang bahay na unang nasunog ay heritage home na pag-aari ni Tia Ignacia de Leon at ibinigay sa anak ng mag-asawa si Ana de Leon kay Jose Guevara.
Ang mga bahay na natitirang nakatayo (along Bonifacio Street) at sa kanto ng Plata Street ay bahay ni Don Gregorio de Leon Sr (Lolo Goyo) ang nagbigay ng kaniyang lupain upang pagtayuan ng paaralan – ang Gasan Central School ngayon.
Hanggang ngayon, hindi pa rin lubos na nakikita at nauunawaan ng tao ang kahalagahan ng mga lumang ancestral homes na ito sa kasaysayan ng isang heritage town tulad ng Gasan at pilit na ipagpapalit ng ilan sa gumagapang na urbanisasyon at pagkasilaw sa tawag ng madaling kita ng salapi.
Photo credit: CTTO
Comments
Post a Comment